Nanawagan si House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na ilantad sa publiko ang mga kasunduang nabuo sa pagbisita niya sa China.
Sinabi ito ni Castro kasunod ng reports na umabot sa 14 ang bilateral agreements na nilagdaan na bunga ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Beijing.
Giit ni Castro, wala dapat itinatagong agreements ang gobyerno sa mamamayan lalo na kapag makapangyarihang dayuhan ang kasama sa kasunduan tulad ng umano’y ginawang pagtatago sa kasunduan sa China ng administrasyong Duterte.
Inihalimbawa ni Castro ang Kaliwa and Chico River dam deals sa China na nakarating na sa Supreme Court dahil sa mga nilalaman nito kung saan dehado ang ating bansa at mamamayang Pilipino.
Binanggit din ni Castro na base sa probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution at sa isang Constitutional Commission transcript, dapat ay isumite rin sa Kongreso ang mga loan agreement na pinapasok ng pamahalaan bago ipatupad.