Mga nagkakalat at pasimuno ng fake news tungkol sa COVID-19, parurusahan sa ilalim ng Bayanihan Act of 2020

Ibinabala ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera na may parusang kaakibat ang inaprubahang RA 11469 o ang “Bayanihan to Heal as One Act of 2020” para sa mga nagkakalat ng ‘fake news’.

Ayon kay Herrera, bukod sa layunin na labanan ang COVID-19 at mabigyan ng ayuda ang lahat ng sektor, nakapaloob din sa batas na nagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa Pangulo na parusahan ang mga nagpapakalat ng ‘fake news’ tungkol sa coronavirus na nagdudulot ng takot, gulo at panic sa publiko.

Nakasaad sa Bayanihan Act na patawan ng dalawang buwan na pagkakabilanggo o multang PHP1 million o parehong parusa, ang mga indibidwal o grupong mapapatunayang guilty sa pagkakalat ng pekeng balita sa social media at sa mga kaparehong platforms.


Tiniyak ng Lady Solon na seryosong ipapatupad ng gobyerno ang pagpaparusa sa mga nagpapakalat at gumagawa ng fake news gamit ang isyu ng COVID-19.

Muli namang nilinaw ni Speaker Alan Peter Cayetano sa publiko ang kahalagahan ng ginawang pagapruba ng Kongreso sa pagbibigay ng special powers sa Pangulo.

Aniya, ipinasa ang Bayanihan Act upang magkaroon ng mas malawak na kakayahan ang gobyerno para labanan ang COVID-19 habang ang publiko naman ay dapat na sumunod na manatili sa mga tahanan para mas madali sa mga health workers na matukoy at maihiwalay ang mga maysakit.

Facebook Comments