Hinimok ni Asst. Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro si Pangulong Duterte na isama sa report nito ang kumpletong data ng mga taong nagkasakit ng COVID-19 sa bawat linggo.
Tinukoy ni Castro na ang World Health Organization (WHO) nga sa ilalim ng Interim Guidance ay hiniling na magsumite ang lahat ng state members nito kasama ang Pilipinas ng national at subnational data patungkol sa COVID-19.
Giit ng kongresista, nararapat lamang na malaman din ng mga Pilipino ang mahalagang impormasyon na ito upang magamit na batayan para sa pagbuo ng pampublikong polisiya at hakbang ng gobyerno laban sa coronavirus.
Kasama sa mga ipinanawagan ni Castro na isama sa lingguhang ulat ng Pangulo sa COVID-19 ang mga bagong naitalang kumpirmadong kaso ng virus, bilang ng mga namatay, bilang ng mga gumaling at ang transmission pattern o bilis ng pagkalat ng sakit sa subnational level.
Samantala, batay naman sa situation report ng Pilipinas sa WHO noong April 9, lumalabas na mayroong naitalang “clusters of cases” na nahahati sa dalawa; ang “sporadic cases” kung saan ang pagkalat ng coronavirus ay mula sa mga ibang bansa na may naitala na isa o maraming kaso ng COVID-19; at “community transmission” kung saan nakakapagtala na ng mataas na bilang at hindi na matukoy ang pinagmulan ng pagkalat ng outbreak sa mga komunidad.