Mga nagkikilos-protesta at tigil-pasada sa bahagi ng Laguna, binabantayan din ng PNP

Hindi lamang sa Metro Manila nakabantay ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng ikinakasang transport strike ng grupong PISTON at MANIBELA.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, kasama sa tinututukan ng PNP ang welga ng mga tsuper sa Cabuyao at Los Baños, Laguna.

Ani Fajardo, iniiwasan kasi nilang magtungo rito sa kalakhang Maynila ang mga driver ng jeep mula sa nasabing lalawigan.


May mga insidente kasi noong nakalipas na taon na hinuli ang mga jeepney driver na tumawid mula Laguna papasok ng Metro Manila para lumahok sa kilos-protesta dahil sa paglabag sa kanilang ruta o maituturing na out of line.

Paliwanag ni Fajardo, mayroong mga pulis na nakatalaga sa mga border upang magpatupad ng checkpoint at border control.

Pagbibigay diin ng PNP, hahayaan lamang nila na maghayag ng saloobin ang mga tsuper bilang bahagi ito ng demokratikong proseso basta’t kinakailangan lamang na sumunod sa itinatakda ng batas.

Facebook Comments