
Nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno laban sa iba pang mga nakuhanan sa viral video na nag-aagawan sa tanso ng nasunog na kable ng kuryente.
Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng sunog kamakailan sa Aroma, sa Tondo Maynila.
Babala ng alkalde, magsitago na ang mga ito dahil saglit lamang na panahon ay makakalawit din sila at mananagot sa batas.
Sabi ng alkalde, kahit gusto nilang mapabilis ang pagbangon ng mga residente na nasunugan ay mas bumagal ang proseso dahil sa ginawang perwisyo ng iilan.
Wala pang pahayag ang Meralco kaugnay sa pagnanakaw sa kanilang mga kable.
Kahapon, iniharap ni Moreno ang dalawang pangunahing suspek na sangkot sa pagnanakaw ng tanso.
Nahaharap ang mga ito sa paglabag sa Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.









