Sinisilip na ng National Privacy Commission (NPC) ang anggulong nakuha ng mga text scammers ang pangalan ng mga biktima nito mula sa mga payment at messaging applications.
Ito ang inihayag ni NPC Deputy Privacy Commissioner Atty. Leandro Angelo Aguirre kaugnay ng inisyal nilang imbestigasyon hinggil sa mga naglilipang personalized text scams.
Lumalabas kasi sa mga nakukuha nilang ulat mula sa kanilang Complaints and Investigation Division, tumutugma kasi ang pattern nakikita nila mula sa format ng pangalan sa mga kilalang payment apps, mobile wallets o messaging apps sa mga natatanggap na mensahe ng publiko.
Ayon kay Aguirre, posibleng data scraping o paggamit ng app upang makuha ang impormasyon sa isa pang program ang ginagawa upang makuha ang mga naturang impormasyon.
Muli namang pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang pag-click sa mga links na natatanggap mula sa mensahe galing sa mga unknown numbers.