Mga nagpapanggap na tauhan ng Office of Civil Defense para makapag-solicit ng pera, binaalan ng NDRRMC

Nagbabala ang pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga nagpapanggap na naman na mga tauhan ng Office of Civil Defense at nagso-solicit ng pera.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, may report silang tinanggap na isang contractor ang tinawagan ng nagpapakilalang taga-OCD at nanghihingi ng cash donation para sa isang drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija at gustong ipadala ang pera sa Palawan Pera Padala.

Sinabi ni Timbal na bogus ang solicitation na ganito dahil walang tauhan ng OCD na gumagawa nito.


Kung sakali man at may financial transaction ang OCD ay hindi pinadadaan sa mga third party money transfer kundi direkta sa kanilang bank account sa Development Bank of The Philippines.

Kaya nagbabala muli ang pamunuan ng NDRRMC sa publiko na mag-ingat sa mga modus ng solicitation lalo na ngayong panahon na may kalamidad at baka samantalahin na naman ng ilang mga indibidwal.

Facebook Comments