Mga nagpaparehistro para sa BSKE, dumami dalawang araw bago ang deadline ng registration bukas

Dumami ang mga nagpaparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election, dalawang araw bago ang deadline ng registration bukas, January 31.

Ayon kay Commission on Elections Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, as of January 21 ay umabot na sa 1.6 million ang new registrants para sa bske na gaganapin sa Oktubre.

Inaasahang aabot pa ito sa 2.5 million kapag naisama na ang bilang ng mga bagong registrants noong nakaraang linggo hanggang ngayong araw.


Muli namang nanindigan ang Comelec na hindi na palalawigin pa ang registration period.

Paliwanag ni Laudiangco, bukod sa mahaba na ang panahong inilaan nila para sa pagpaparehistro ay may nakabinbin pang kaso sa Supreme Court na maaaring makaapekto sa petsa ng paglulunsad ng eleksyon.

“Una po yung factual basis, mahaba po ang nailaan naming panahon. Patunay nga po nito, noong December halos wala kaming registrant. Ang laki-laki po ng espasyo namin do’n ngunit isa, dalawang tao lang ang nagpupunta kada araw,” ani Laudiangco sa interview ng RMN DZXL 558.

“Yung legal basis naman po, kasi po yung kaso po ng paglilipat ng halalan ng BSKE from December 2022 to October 2023, nakabinbin pa rin po. Kung magpasya ang Supreme Court na mas maaga sa Oktubre ang halalan, talaga pong hindi na tayo magkakaroon ng registration. Kasi ayon sa Republic Act 88189, hindi na po kami pwedeng magparehistro, gumawa ng bagong presinto o baguhin yung bagong presinto 120 days before ang elections po,” dagdag niya.

Samantala, sinimulan na ng Comelec ang pag-iimprenta ng balota noong Enero 20.

Dahil dito, tiniyak ng Comelec na handa na ang poll body na ilunsad ang bske sa anumang petsa mula Mayo na itatakda ng Supreme Court.

Facebook Comments