Mga nagparehistro para sa COVID-19 vaccine, nasa mahigit 676,000 na

Ikinatuwa ni Manila Mayor Isko Moreno na umaabot na sa 676,461 ang mga nagparehistro para sa COVID-19 vaccination program ng Manila City Government sa pamamagitan ng inilunsad nitong manilacovid19vaccine.com.

Sa nabanggit na bilang ay mahigit 13,000 ang frontline health workers sa lungsod, mahigit 157,000 naman ang senior citizen, nasa 500,000 ang mga mahihirap habang mahigit 9,000 ang may kapansanan.

Kasama ring nakarehistro ang higit-kumulang na 5,000 uniformed personnel sa Maynila na pawang mga kasapi ng Manila Police District (MPD), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).


Ayon kay Moreno, base ito sa report mula sa Manila Health Department na siyang naatasan para magprepara ng masterlist ng mga prayoridad na mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19.

Binanggit ni Mayor Isko na sa ngayon ay mayroon nang 18 vaccination sites sa lungsod na ang bawat isa ay target magbakuna ng 1,000 kada araw o 18,000.

Ibig sabihin sa loob lamang ng pitong araw ay aabot na agad sa mahigit 126,000 ang mababakunahan o 500,000 sa loob ng isang buwan.

Facebook Comments