Mga nagparehistro sa SK elections, hindi na kailangang magparehistro muli – COMELEC

Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi na kailangang magtungo sa nagpapatuloy na voters’ registration para sa 2022 elections ang mga nagparehistro noong Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, ang mga SK voters ay awtomatikong kasama na sa listahan ng mga botante para sa mga may edad 18-anyos pataas.

“Kung nagparehistro nung nakaraan for SK elections, hindi na siya kailangan magparehistro ngayon dahil automatic na nasa list of voters na siya for 18 and above,” ayon kay Jimenez.


Sa mga nais i-beripika ang kanilang registration, maaari silang tumawag sa kanilang local poll office kung saan sila nakarehistro.

“Kung gusto mo talaga verify, what you can do is to call the Comelec kung saan sya nagparehistro to validate,” ani Jimenez.

Ang voters’ registration ay nagsimula nitong September 1 maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) o Modified ECQ.

Awtomatikong magpapatuloy ang registration sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ o MECQ kapag ibinaba ang quarantine status sa General Community Quarantine (GCQ) o Modified General Community Quarantine (MGCQ) o kapag binawi na ang quarantine status.

Ang applications para sa registration ay maaaring isumite sa COMELEC offices mula Martes hanggang Sabado mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Facebook Comments