Umaabot na sa 2,770,561 ang nagparehistro na botante para sa eleksyon sa 2022 ayon sa Commission on Elections (COMELEC).
Nabatid na ang nasabing bilang ng voter registration applicants ay natanggap ng COMELEC mula September 1, 2020 hanggang April 20, 2021.
Pinakamaraming nagparehistro ay sa Calabarzon na may 396,529 habang 295,357 sa National Capital Region, 271,869 sa Central Luzon, 202,370 sa Central Visayas.
Habang pinakamababa naman sa Cordillera Administrative Region (CAR), Caraga, at Mimaropa.
Matatandaan na suspendido pa rin ang voter registration sa mga lugar na nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) maging ang pag-iisyu ng voter certification pero tuloy naman ito sa ibang mga lugar na nasa GCQ at MGCQ.
Ang pagrerehistro naman ay magtatagal hanggang September 30, 2021.
Una nang plano ng COMELEC na magsagawa ng mock internet voting bilang bahagi ng ginagawa nilang pag-aaral sa paggamit ng internet-based technologies para sa overseas voting na maaaring gamitin sa susunod na eleksyon.
Nasa 600 slots ang binuksan ng Office for Overseas Voting (OFOV) sa ilalim ng COMELEC para sa naturang test.