Inihayag ngayon ng pamunuan ng Pasig City na malakihang porsyento ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa syudad ang bumaba sa panahon ng pandemya.
Sa Twitter account ni Mayor Vico Sotto, iniulat niya ang mabagal na hawaan ng virus mula 2020 hanggang unang buwan ng Enero 2021.
Ayon kay Mayor Sotto, sa kabuuang 5,665 na sumailalim sa HIV test, nasa lima ang nagpositibo sa virus.
Paliwanag ng alkalde, hindi hamak umano na malaki ang ibinaba kumpara noong 2019 kung saan umabot sa 93 ang nagpositibo mula sa 4,082 na isinailalim sa pagsusuri.
Dagdag pa ni Sotto, hindi pa rin umano dapat nagpapakampante ang mga taga-Pasig sa posibleng hawaan ng HIV lalo pa at hindi naman tiyak ang kaligtasan ng kanyang katalik.
Ngayong taon, bukod sa COVID-19, tututukan din ng Pasig City Local Government Unit (LGU) ang kampanya kontra HIV upang mabigyan ng impormasyon ang publiko tungkol sa nakahahawang virus.