Iginiit ni Hatid Tulong Program Officer-In-Charge (OIC) Assistant Secretary Joseph Encabo na sumasailalim naman sa proseso ang mga Locally Stranded Individuals (LSI) bago ihatid sa kanilang mga probinsya.
Kaugnay ito ng report na kabilang sa nasabing programa ang mga LSI na nagpopositibo sa COVID-19 na umuuwi sa mga probinsya.
Paliwanag ni Encabo, sumasailalim naman ang mga LSI sa rapid test ng COVID-19 kung saan ay kaagad inuugnay sa Department of Health (DOH) ang mga positibo sa nasabing sakit.
Dagdag pa nito, agad silang nakikipag-ugnayan sa mga Local Governement Unit (LGU) para mabigyan ng impormasyon ang mga ito na negatibo sa test ang mga darating sa kanilang LSI.
Aniya, nasa mahigit 13,000 pa ang bilang ng mga LSI na hindi pa napapauwi sa kanilang mga probinsya sa Visayas at Mindanao.
Sa ngayon ay ginugrupo na ng pamahalaan ang mga ito para maiayos ang kanilang schedule at malaman kung anong akmang transportasyon para sa kanila.