Pinayuhan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, ang mga nagrereklamo sa Miru System na dumulog na lamang sa Supreme Court.
Tugon ito ni Garcia sa mga bumabatikos sa kakayahan ng South Korean firm na magsusuplay ng makina at iba pang election paraphernalia para sa 2025 midterm elections sa Pilipinas.
Ayon kay Garcia, sa ngayon, nakatuon ang atensyon ng COMELEC sa pagbalangkas ng kontrata para sa joint venture company upang matiyak na mapapangalagaan ang interes ng bayan.
Gahol na aniya sa oras ang COMELEC kung kaya mahalaga na naka-focus ang kanilang hanay at atupagin ang mga kinakailangang trabaho.
Hindi aniya magpapaabala ang COMELEC sa mga batikos kahit na gaano pa kaganda ang intensyon ng mga ito.
Target ng COMELEC na matapos na ang lahat ng kontrata bago matapos ang Marso para tuluyang makaarangkada ang eleksyon sa May 2025.