Mga nagsasabing mala-sarswela na ang pagdinig ng Senado sa POGO, tinawag na “unfair” ng isang senador

Tinawag ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na ‘unfair’ ang mga nagsasabing mistulang sarswela ang ginagawang pagdinig ng Senado tungkol sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Tarlac na nauwi na rin sa imbestigasyon ngayon kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Giit ni Gatchalian, hindi patas na akusahang isang sarswela ang ginagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa human-trafficking at cyber-fraud operations ng mga POGO dahil maraming tao ang nagtatrabaho para gumawa ng pag-aaral at cross-references sa mga dokumento at testimonya ng mga resource persons.

Aniya, pinalawak na ang imbestigasyon sa POGO dahil dapat ding tingnan ang mga personalidad na sangkot dito.


Sinabi ng senador na wala namang papasok na iligal na gawain at mga kahina-hinalang dayuhan sa bansa kung walang “enabler” o nasa likod ng mga ito na naririto lamang sa Pilipinas.

Nang palawakin aniya ang imbestigasyon ay dito na lumutang ang pangalan ni Mayor Guo at ang kwestyunableng birth certificate nito at ang iba pang kaduda-dudang impormasyon sa Alkalde at sa pamilya nito.

Naniniwala si Gatchalian na hindi coincidental ang mga nangyari sa POGO at mga professional na sindikato ang nasa likod ng problemang ito.

Facebook Comments