
Para kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, tanging death penalty lamang sa pamamagitan ng firing squad ang dapat na maging parusa sa mga nagsasagawa ng illegal logging at pagmimina sa kabundukan ng Sierra Madre.
Diin ni Barzaga, panahon na para isulong ang death penalty sa mga lumalabag at umaabuso sa national environmental assets gaya ng Sierra Madre Mountain Range.
Gayunpaman, naniniwala si Barzaga na hinding-hindi magpapasa ang Kongreso ng panukalang batas para sa pagpapatupad ng parusang kamatayan sa layuning maprotektahan ang Sierra Madre.
Ayon kay Barzaga, ito ay dahil limpak-limpak na pera ang nililikha ng mga dayuhang korporasyon mula sa pagmimina at ilegal na pagputol ng mga punong-kahoy sa mga kabundukan at kagubatan.
Ang pahayag ni Barzaga ay sa gitna ng pasasalamat ng mga Pilipino sa Sierra Madre sa paniniwala na katulad sa mga naunang malalakas na bagyo ay pinahina rin nito ang Super Typhoon Uwan.









