Dahil sa angking galing at talento ng mga Pangasinense sa iba’t ibang larangan, tatlong indibidwal mula sa lalawigan na naman ang nagbigay ng karangalan sa lalawigan kung kaya’t binigyang pagkilala din ang mga ito sa muling pagbabalik ng session ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan.
Kahapon sa ika- 31 regular na sesyon ng SP sa bayan ng Lingayen, ilan lamang sa mga natalakay dito ang pagbibigay ng pagkilala sa pamamagitan ng mga resolusyong ipinasa ng mga board members ng lalawigan sa tatlong Pangasinense na nagsipagwagi na nagbigay karangalan at nagtaas ng bandera ng probinsya sa buong bansa.
Binigyang pagkilala sa pamamagitan ng resolusyon na si Bb. Kerri Reilly mula sa bayan ng Mangatarem matapos itong magwagi sa katatapos lamang na Miss Philippines Earth 2023 Pageant kung saan itinanghal ito bilang Miss Philippines Air 2023, bukod sa titulong nakamit, wagi din iyo sa talent competition dahil sa makapigil-hiningang stunts sa aerial hoop dance nasa pangatlo pwesto naman ito sa Swimsuit Competition.
Isa pang resolusyon ang ipinasa para bigyang pugay si Dr. Gabriel P. Pamintuan III, isang beterinaryo mula sa bayan ng Bolinao kung saan nag-uwi ito ng Bronze Award sa Penjing Category sa nakaraang Bonsai Clubs International Convention 2023 na ginanap sa Vigan City, Ilocos Sur.
Ang sinalihan nitong kompetisyon ang siyang pinakamalaking bonsai convention at exhibit sa bansa na itinanghal ng Bonsai and Suiseki Alliance of the Philippines, Inc.
Ang pangatlong resolusyon naman ay ang inihain bilang pagbibigay ng pagkilala sa tubong San Jacinto na si Erickson Cayabyab Mariñas na siyang nagkamit ng top 2 sa November 2022 Bar Examination kung saan nagtapos ito bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Legal Management sa Ateneo de Manila University at Cum Laude naman sa kursong Bachelor of Laws sa University of the Philippines. Kabilang si Mariñas sa 3,992 na pumasa mula sa 9,183 na nag-exam.
Dahil sa ambag ng mga ito sa probinsiya, nararapat lang umano na bigyan din sila pabalik ng parangal ayon sa mga opisyal ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan. |ifmnews
Facebook Comments