Mga nagsitakas na preso ng Manjuyod District Jail sa Negros Oriental, tinutugis na ng mga tauhan ng BJMP

Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagpuga ng limang preso sa Manjuyod District Jail sa lalawigan ng Negros Oriental.

Kinilala ni Senior Jail Officer 1 Christopher Sarsuelo ng BJMP ang mga nagsitakas na sina Janly Callao, Lito Pedro at Julan Paculanang na kapwa nahaharap sa kasong rape.

Gayundin sina Ronnie Flores na nahaharap sa kasong Illegal Possession of Firearms at Joseph Casido na nahaharap naman sa kasong murder.


Nadiskubre ang insidente dakong alas singko y medya ng umaga kanina habang nagsasagawa ng head count ang mga tauhan ng Manjuyod District Jail.

Dito na napansin ng mga tauhan ng BJMP na ransak na ang cell number two at wala na ang mga nabanggit na preso.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng pagtugis ang mga tauhan ng Manjuyod Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Manjuyod District Jail.

Facebook Comments