Tinuligsa ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang mga puspusang nagsusulong ng Charter Change o Cha-Cha.
Sila ay ikinumpara ni Castro sa mga manliligaw ngayong Valentines Day na nagbibigay ng matatamis na pangako pero kapag nakuha na ang gusto ay iiwan ka sa ere.
Halimbawa ni Castro ang pangako na bababa ang singil sa kuryente dahil sa EPIRA o kaya ay bababa din ang singil sa tubig kapag ginawa itong pribado pero kabaligtaran ang nangyari at lalo pang tumaas ang singil.
Pinuna din ni Castro ang kawalan ng presensya ng mahihirap na sektor at civil society organizations sa isinasagawang public consultation ng House Committee on Constitutional Amendments ukol sa Cha-Cha.
Giit ni Castro, ang repackaged ‘Con-con para sa Econ” campaign for Charter Change ay hindi kailangan ng taumbayan ngayon at sa katunayan ay hindi rin hinihiling ng mga dayuhang mamumuhunan ang 100% foreign ownership ng mga lupain at korporasyon sa Pilipinas.
Ayon kay Castro, ang kailangan ng nga foreign investors ay lower power rates, bahagya o walang korapsyon, at mahusay na pamamahala.
Para kay Castro, malinaw na hindi ang Konstitusyon natin ang may problema kun’di ang mga polisya ng pamahalaan.