
Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi lamang ang pangunahing sangkot sa flood control corruption ang hahabulin ng pamahalaan, kundi pati ang mga nagtatago sa mga akusado.
Ayon kay Marcos, lahat ng pumipigil sa hustisya ay kabilang sa sasampahan ng kaso.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga natitira pang akusado na sumuko na bago pa tuluyang habulin ng mga awtoridad.
Giit ng Pangulo, habang mas tumatagal ang pagtatago ng mga akusado, mas lalo lamang nilang pinasasama ang sarili nilang sitwasyon. Kaya’t ang tanging paraan para “matulungan” ang mga natitira pang akusado ay ang kusang pagsuko at pagharap sa mga paratang.
Tiniyak din niya na ang sinumang sumuko o maaaresto ay diretso sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) habang hinihintay ang utos ng korte, at walang ibibigay na special treatment.









