Tiwala si Senador Win Gatchalian, na hindi na uubra ang pagtatago ng mga kriminal dahil maaari na silang matunton ng mga alagad ng batas.
Ayon kay Gatchalian, ito ang ibubunga ng napipintong pagiging batas ng pagpaparehistro ng subscriber identity module (SIM) cards ngayong taon.
Sabi ni Gatchalian, ang magiging implementasyon ng SIM Card Registration Act ay siguradong magbubunsod ng tiwala ng mga konsyumer at kumpiyansa ng mga negosyante sa gitna ng lumalawak na identity-linked digital services.
Paliwanag ni Gatchalian, ang laganap na suplay ng prepaid SIM cards ay umaakit sa mga nais na makapanloko o magsagawa ng mga iligal na gawain.
Diin ni Gatchalian, hindi na mabilang ang mga kaso ng mga panloloko sa online platform ng mga taong gumagamit ng hindi rehistradong SIM.
Iginiit ni Gatchalian, na kung gusto nating pigilan ang mga ganitong paglabag sa batas, ay kailangang i-regulate ang pagbebenta at pamamahagi ng mga SIM card sa pamamagitan ng pagtatatag ng registry o database ng validated na impormasyon ng awtorisadong may-ari nito.