Mga nagtatanggol sa pulis na bumaril sa mag-inang Gregorio, kinastigo ni Sen. Revilla

Pinuna ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ang mga kabaro ni Police Master Sergeant Jonel Nuezca na tila nagdi-depensa pa sa karumal-dumal na pagpatay nito sa mag-inang Gregorio sa Tarlac.

Sa tingin ni Revilla, dapat ding imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) at National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga pulis na nagtatanggol Nuezca.

Ipinaliwanag ni Revilla na walang maayos na tao ang gagawa ng ginawa ni Nuezca, anupaman ang dahilan.


Hindi rin makapaniwala si Revilla na nagawa ito ni Nuezca sa harap mismo ng kanyang anak at naglakad na lang na parang walang nangyari.

Pinagpapaliwanag din ni Revilla ang pamunuan ng PNP kung paanong nanatili sa serbisyo itong si Nuezca sa kabila ng patong-patong na kaso nito at record ng pang-aabuso.

Nangangamba si Revilla na baka lalo maging abusado ang pulis at lumaki ang ulo dahil tila nakukunsinte at hindi ito napaparusahan.

Pinaparepaso rin ni Revilla ang patakarang umiiral sa buong PNP upang hindi manatili ang mga bulok sa organisasyon dahil nadadamay pati ang matitino.

Facebook Comments