Pinagtibay ng Korte Suprema ang kautusan ng Civil Service Commission (CSC) na walang employee-employer’s relationship ang mga manggagawa ng gobyerno na mga Job Order.
Ito ay matapos maglabas ng desisyon ng Supreme Court sa petisyon ng mga manggagawa ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kung saan iginiit nito na hindi empleyado ng gobyerno ang mga Job Order status.
Ibig sabihin, hindi rin sila saklaw ng Civil Service Commission.
Naghain ng petisyon ang mga empleyado ng PAGCOR sa hotel and restaurant business matapos na alisin sila sa trabaho.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay mga cook, waiter, at kitchen supervisor na ang ilan ay 17 taon nang nagtatrabaho sa ahensiya.
Sa panig ng PAGCOR, iginiit nilang hindi permanente ang trabaho ng mga ito at sa limitadong panahon lamang.
Ang mga Job Order ay mga manggagawa na kinukuha lamang kapag may seasonal na trabaho pero hindi lalagpas sa anim na buwan.
Muli namang nagpaalala ang SC sa mga ahensiya ng gobyerno na bagama’t pinapayagan sila na kumontrata ng serbisyo sa ilalim ng civil service rules ay hindi dapat ito gamitin sa pag-abuso ng mga manggagawa.