Inihayag ng Makati City Government na sakop ng libreng COVID-19 vaccination program ng lungsod ang lahat ng mga empleyado ng mga rehistradong negosyo sa Makati maging ang mga hindi residente nito.
Ayon kay Mayor Abby Binay, ang bilang ng mga kawaning idineklara ng mga negosyo sa kanilang business permit applications ang magiging batayan para sa mga bibigyan ng libreng bakuna, mula sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) hanggang sa malalaking kumpanya.
Tiniyak din niyang sasagutin ng pamahalaan ang mga gastusin sa pagpapagamot at pagpapa-ospital ng sinumang makakaranas ng masamang epekto na posibleng idulot ng bakuna.
Tiwala naman ang alkalde na sapat na ang P1 bilyong pondo ng lungsod sa pagbili ng bakuna, kasama na ang bakunang matatanggap mula sa national government.
Dahil dito, hinimok ni Binay ang mga residente at manggagawa sa lungsod na magpabakuna dahil ito ang pinakamabisang paraan upang malabanan ang virus at makabangon ang ekonomiya ng lungsod mula sa pandemya.