Mga nagtatrabahong ina na nanganak simula March 11, makikinabang na sa expanded maternity leave law

Manila, Philippines – Sakop na ng expanded maternity leave law ang mga nagtatrabahong ina na nanganak simula March 11, 2019.

Ito ang inihayag ni Senator Risa Hontiveros kasunod ng paglagda sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng nasabing batas.

Ayon kay Hontiveros, ito rin ang impormasyon na inilabas ni Social Security System (SSS) Benefits Administration Division Vice President Normita Doctor.


Base sa batas, mula sa dating 60-araw lamang ay magiging 105 na araw na ang paid maternity leave ng lahat ng nanay na manggagawa at karagdagang 15 araw na leave para sa mga solo mothers.

Magkakaroon din ng option ang mga nanay na kumuha ng additional 30 days na unpaid leave.

Makukuha ang mga benepisyong ito sa bawat pagbubuntis, miscarriage o emergency termination of pregnancy.

Binibigyang din ng pagkakataon ng batas ang mga tatay ng dagdag na panahon para sa kanilang mga pamilya dahil maaari silang humiram ng pitong araw na paternity leave.

Facebook Comments