Mga Nagtitinda ng Overpriced na Alak, Maaaring Idulog sa LGU Ayon sa DTI!

Cauayan City, Isabela- Maaaring isangguni sa Local Government Unit ang reklamo kaugnay sa masyadong mataas na presyo ng alak at sigarilyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ito ang inihayag ni Ginoong Elmer Agorto, Senior Trade and Industry Specialist ng DTI Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ipinaliwanag nito na hindi kabilang sa basic necessities at prime commodities ang alak kaya’t hindi aniya sakop ng DTI ang pagmonitor sa presyo ng mga nakalalasing na inumin.


Gayunman, pwede aniya itong ilapit sa mga kinauukulan gaya ng LGU kung magpapatupad ng ordinansa kaugnay sa pagbebenta at presyo ng alak o sigarilyo.

Huwag aniyang matakot na magsumbong basta mayroong maipapakitang ebidensya gaya ng litrato ng nabili kasama ang resibo, screenshot o record ng usapan o transaksyon sa pagbili at anumang paraan na pwedeng makapagpapatunay sa reklamo.

Maaari din isumbong sa kanilang tanggapan o di kaya’y mag-message sa kanilang Facebook page na DTI Isabela.

Paalala nito sa mga mamimili na maging isang responsableng consumer na huwag tangkilikin kung masyadong mahal ang presyo dahil oras aniya na pinatulan ito ng mamimiliay parang nabigyan na rin ng oportunidad ang isang seller na gawin ang pananamantala ngayong panahon ng krisis.

Dagdag pa ni Ginoong Agorto, kinakailangan na sa panahon ng krisis ay dapat maging matalino, mapanuri sa binibili at huwag magpadaya lalo na sa mga nabibili online.

Samantala, patuloy pa rin ang ginagawang lingguhang monitoring ng DTI sa presyo at supply ng mga pangunahing bilihin maging sa mga construction supplies sa Lalawigan katuwang ang mga Junior Business Councilors ng DTI na kung saan mayroon nang mga naisyuhan ng Letter of Inquiry (LOI) dahil sa pagtataas ng presyo at ilan sa mga ito ay nagkapag-comply na.

Facebook Comments