Naniniwala ang mga nagtitinda ng sibuyas sa sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na hoarding ang dahilan sa pagsipa ng presyo ng sibuyas nitong unang bahagi ng 2023.
Ayon sa mga nagtitinda sa Pasig Mega Market, taktika lamang umano ng mga negosyante ang magtago ng suplay ng mga produktong agrikultura.
Kapag kumonti na umano ang suplay at tumaas ang demand ay saka lang ilalabas ang mga nakatagong sibuyas na mas mataas na ang presyo.
Matagal na umano itong nagagawa para mamanipula ang presyo ng mga produkto na hanggang ngayon ay bigo pa ring matugunan.
Matatandaang isinisi ni Pangulong Marcos sa hoarding ang mataas na presyo nang magsimula ang 2023 na umabot pa sa mahigit ₱600.
Una nang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na walang dahilan ang pagtaas ng presyo at talagang inipit lamang ang sibuyas.
Sinadya rin umanong hindi ipagamit ng mga sindikato ang cold storage sa ibang producer.
Sa ngayon, stable ang presyo ng sibuyas na pula sa ₱130 kada kilo at ₱120 naman sa puting sibuyas.