Wagi ng best film sa katatapos lang na 17th edition ng Cinemalaya Independent Film Festival ang short film na “Beauty Queen.”
Tungkol ito sa buhay ni Remedios Gomez, isang beauty pageant winner sa kanilang bayan noong World War II.
Bukod sa Balanghai trophy, tumanggap din ang nasabing obra ni Myra Aquino ng P150,000 cash prize.
Tatlo naman mula sa anim na parangal ang hinakot ng “Ang Sadit na Planeta” ng Bicolano filmmaker na si Arjanmar Rebeta kabilang ang Audience Choice, Netpac Jury Prize at Special Jury Prize.
Dalawang awards naman ang nakuha ng kontrobersyal na “Kids on Fire” ni Kyle Nieva na nanalo ng Best Screenplay at Best Direction.
Mapapanood via streaming online ang Cinemalaya 2021 hanggang Setyembre 5 sa ktx.ph at vimeo ng Cultural Center of the Philippines (CCP).