Paalala ngayon ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Ildebrandi Usana sa mga barangay security Officer na sila ang responsable sa mga mahuhuli nilang quarantine violators.
Giit ni Usana, pakakawalan din agad ng PNP ang mga quarantine violator na itu-turn over sa kanila ng mga barangay.
Binigyan-diin din ni Usana ang kautusan ni PNP Chief PGen. Debold Sinas na wala nang aarestuhin ang PNP dahil sa quarantine violations.
Paliwanag niya, kung may mga mahuhuling quarantine violators ang mga barangay, dapat ay doon na lang nila bigyan ng kaukulang parusa ang mga ito dahil may kapangyarihan sila na ipatupad ang mga lokal na ordinansa.
Kapag humingi aniya ng tulong sa mga pulis ang barangay ay tutulong lang ang mga pulis ngunit hindi nila dadalhin sa presinto ang mga mahuhuli.