Mga nahuling lumalabag sa motorcycle backriding protocol, umabot na sa mahigit 32,000

Sumampa na sa 32,118 ang mga nahuling lumalabag sa motorcycle backriding policy mula nang payagan na magka-angkas ang mga magkasama sa bahay na walang barrier sa motorsiklo.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at Joint Task Force (JTF) COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar at batay sa datos ng JTF COVID Shield, ang bilang ng mga lumabag ay mula August 19 hanggang September 13, 2020.

Sa loob ng 26 araw na ipinairal ang bagong alituntunin, 13,382 ang mga nahuling motor na walang barrier na hindi magkasama sa bahay ang magka-angkas.


Habang 11,067 naman ang nahuli dahil sa hindi paggamit ng tamang health gear na full face helmet at face mask ng mga sakay ng motorisklo.

Umaabot naman sa 3,003 ang nahuling motorsiklo na may barrier nga, pero hindi naman Authorized Person Outside Residence (APOR) ang sakay.

2,206 naman ang nahuling gumagamit ng hindi awtorisadong barrier.

Sa kabuuang bilang ng mga nahuli, 27,765 ang binigyan ng citation, habang 4,353 ang tuluyang binitbit sa police station.

Facebook Comments