Isang araw bago ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), dagsa ang mga nais magpabakuna sa iba’t ibang vaccination sites sa Metro Manila.
Sa Maynila, kinansela na ng lokal na pamahalaan ang dapat sana ay vaccine drive ngayong araw matapos na dagsain ng libu-libong nais magpabakuna ang mga vaccination site sa lungsod.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Leo Francisco, Miyerkules pa lamang ng gabi ay nakapila na sa labas ng mga vaccination site ang mga magpapabakuna.
“10 p.m. pa lang nagsimula nang pumila sa apat na bakunahan dito sa Manila, naghanda na kami ng alas dos na dagdagan ang mga tao namin sa apat na malls na ito kaya lang nung pinauwi namin yung mga nakapila na sobra sa Robinsons Manila at SM Manila, dun naman sila lumipat sa SM San Lazaro,” ani Francisco sa interview ng RMN Manila.
“Yung iba talaga, kahit pinapauwi natin, andun lang sila sa gilid-gilid, nagbabakasakali na may ma-disqualify sa 2,500 at sila ay ma-accommodate.”
Ayon sa ilang residente, hindi raw kasi makakakuha ng quarantine pass kapag hindi bakunado.
Kinansela na rin ang pagbabakuna ng first dose sa Las Piñas Doctors Hospital at SM Southmall matapos na makitang maraming residente ang hindi sumusunod sa minimum health protocols.
Samantala, una nang nilinaw ng mga awtoridad na tuloy pa rin ang pagbabakuna ng mga LGU kahit ECQ.