Tiniyak ng National Vaccination Operation Center (NVOC) na magiging madali ang access ng publiko sa bakuna sa isasagawang tatlong araw na National Vaccination Day sa katapusan ng Nobyembre.
Sa press conference sa Malacañang, sinabi ni NVOC Dr. Keiza Rosario na gagamitin pa rin nila ang mga registration process ng lokal na pamahalaan para sa mga nais magpabakuna.
Gayunpaman, lilimitahan lamang aniya ang mga requirement na hihingin ng lokal na pamahalaan.
Sapat na aniya na makapag-presinta ng valid ID ang mga magpapabakuna at ang medical certificate naman aniya ay hihingin lamang kung talagang kinakailangan.
Kung maaari ay tatanggap din ng mga walk-in at hindi dapat ma-deny ang mga nais na magpabakuna.
Matatandaan na target ng pamahalaan na maisakatuparan ang National Vaccination Day simula November 29, hanggang December 1 kung saan layon na makapagbakuna ng 15 milyong indibidwal o 5 milyong indibidwal sa kada araw.