Muling pinapayuhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga nais bumisita sa Manila Zoo na magpa-book via online upang maiwasan ang mahabang pila at pagdagsa ng tao.
Nais kasi ng Manila LGU na hindi na maulit pa ang nangyari noong nakaraang Pasko na dinagsa ng mga nais makapasok ang Manila Zoo kung saan karamihan ng mga nagtungo ay pawang mga walk-in.
Matatandaan na umabot sa 5,000 o nasa maximum capacity ang bilang ng mga bumisita sa Manila Zoo noong araw mismo ng Pasko kaya’t marami ang hindi nakapasok.
Karamihan sa mga nag-walk in ay nagreklamo ng mabagal na proseso habang nasa pila.
Pero giit ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng pamunuan ng Manila Zoo na kinakailangan kasi na makontrol ang pagpasok ng tao upang maiwasan na magkaroon ng siksikan kasabay ng pagpapatupad ng health protocols kontra COVID-19.
Paraan din ito upang hindi rin maistorbo ang iba’t ibang uri ng hayop na sa Manila Zoo lamang makikita.
Kaya’t dahil dito, mas mainam na magpa-book via online upang mas mabilis ang pagpasok at hindi pumila pa kung saan sulit naman ang bayad na P300 para sa mga hindi residente at P150 sa mga taga-Maynila na pawang mga adult habang P250 sa mga bata hindi residente ng lungsod at P100 naman sa mga batang Maynila.