Nakapagbigay na ng mahigit 21,000 notices of violation ang Department of Trade and Industry (DTI) sa higit 21,000 ring mga online store na nagbebenta ng mga iligal na vape product.
Bukod dito, mayroon ding 526 na mga vape physical store ang napadalhan rin ng notice of violations.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na simula Disyembre noong nakaraang taon nang ilabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa paggamit ng vape sa bansa ay naging aktibo rin aniya ang kanilang ahensya sa pagbabantay sa mga nagbebenta ng mga iligal na vape product.
Nilinaw ni Castelo na bawal ang pagbebenta ng mga may vape products na mayroong flavor descriptors katulad turon flavor dahil ito aniya ay nakaka-engganyo sa mga kabataan na gumamit ng vape.
Paliwanag ni Castelo, ang layunin talaga ng vape ay para sa mga adult na adik sa paninigarilyo na gusto nang paunti-unting matigil o mabawasan ang paninigarilyo.
Sa kabuuan ayon kay Castelo, umabot na sa halagang P3.5 million ang value ng mga iligal na vape product na kanilang nakumpiska.
Lahat aniya ng mga negosyante ng vape products na napadalhan ng notice of violation ay kailangang humarap sa tanggap ng DTI para idepensa ang kanilang sarili upang hindi masampahan ng kaso.