Nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng 645 na sunog sa buong bansa mula Disyembre a-1 hanggang a-29 ng taong kasalukuyan.
Mas mababa ito ng 344 na kaso kumpara sa naitala nilang 989 na insidente ng sunog sa kaparehong panahon nuong isang taon.
Mula rin sa nasabing panahon, nakapagtala rin ito ng 6 na nasawi habang nasa 25 na sibilyang nasugatan sa mga naturang insidente ng sunog na karamiha’y nangyari sa mga kabahayan o residential area.
Gayunman sa kabuuan, lumalabas na mas mataas pa rin ang naitalang kaso ng sunog ngayong taon sa buong bansa na nasa 16, 921 kumapra sa 16, 462 insidente noong isang taon.
Ang datos ay mula Enero a-1 hanggang Disyembre a-29 ng taong kasalukuyan.
Pero, umaasa ang BFP na maaabot pa rin nila ang target na Zero Fire incidents na may kaugnayan sa pagsalubong sa bagong taong 2020.
Nananatiling naka-taas ang kanilang Code Red Alert o Full Alert status mula pa noong Disyembre a-23 at magtatagal hanggang sa Enero a-5 ng susunod na taon.