Mga naka-duty na security personnel ng isang bangko na hinoldap sa Maynila, isinasailalim na sa imbestigasyon

Isinasailalim na sa imbestigasyon ang dalawang security personnel na naka-duty sa China Bank-Otis kung kailan naganap ang panloloob ng nag-iisang suspek.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Leo Francisco, hindi lusot ang mga nasabing guwardiya dahil mayroong lapses o pagkukulang ang mga ito sa kanilang trabaho.

Nabatid sa ipinasang report ni MPD Station 10 Commander Police Lt. Col. Dennis Rodriguez, kapwa nasa loob ng bangko ang dalawang guwardiya nang pasukin ito ng nag-iisang holdaper.


Batay sa patakaran, dapat nasa labas ang isa sa mga guwardiya na nag-iinspeksyon sa lahat ng papasok at nasa loob ang kasama nito na magbubukas ng pinto para sa kliyente na pumasa na sa security screening.

Ipinagtataka ng mga otoridad kung paano naipatutupad ang health protocols tulad na lamang ng pagkuha ng health declaration forms kung kapwa nasa loob ng bangko ang mga guwardiya.

Hanggang sa ngayon ay hinihintay pa rin ng MPD ang report ng China Bank para malaman kung magkanong halaga ang natangay kung saan balik-operasyon naman na ang nasabing bangko habang patuloy ang imbestigasyon ng mga tauhan ng MPD sa nangyaring holdapan.

Facebook Comments