Tiniyak ng mga nakababatang lider ng Kamara na kakasa sila sa hamon ni Vice President Sara Duterte sa mga kongresista na sumailalim sa drug tests at psychiatric evaluation.
Hamon nila kay VP Sara, dumalo ito at manumpa na magsasabi ng totoo sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa paggamit nya ng confidential funds.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Zambales Representative Jay Khonghun, hindi sila papayag na ilihis ni Duterte ang isyu mula sa mali at kwestyunableng paggamit nito ng pondo lalo na ng confidential funds.
Sabi naman ni House Assistant Majority Leader at La Union Representative Paolo Ortega, dapat ay isang neutral third-party groups ng medical experts ang mamamahala sa drug and psychiatric exams para matiyak ang isang objective at transparent na proseso.
Binanggit naman ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, itakda na ang pagsailalim nila sa nabanggit na mga pagsusuri sa mga susunod na araw.
Giit naman niya at ni House Deputy Majority Leader at Ako Bicol Party-list Representative Jil Bongalon, sana ay maging handa rin si VP Sara na sagutin ang mga tanong ng taumbayan at mga alegasyon sa paggastos nito ng pondo.