Mga nakabinbing panukalang batas, sisikapin ng Kamara na maipasa sa nalalabing 6 na araw na session bago magsara ang 19th Congress

Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na sisikapin ng Kamara na maipasa ang mga nakabinbin pang panukalang batas sa loob ng anim na araw na plenary session simula ngayon hanggang tuluyan nang magsara ang 19th Congress sa susunod na linggo.

Kabilang sa mga panukala na pangunahing tinukoy ni Romualdez na nakalinya sa ikatlo at huling pagbasa ay ang:

• Anti-Offshore Gaming Operations Act;
• Philippine Civil Registry Act;
• Declaration of State of Imminent Disaster Act;
• AICS Act; at
• ang panukalang expansion of senior citizen benefits and privileges.

Pagmamalaki ni Romualdez, sa kabuuan ng 19th Congress ay umabot sa 13,868 ang mga panukalang batas at resolusyon ang naihain ng mga Kongresista mula July 25, 2022 hangggang May 28, 2025.

Ayon kay Romualdez, 1,493 ang mga panukalang batas na ipinasa ng Kamara kung saan 93 ang naisabatas at 187 naman ang local laws habang 1,451 naman ang nabuo committee reports bunga ng iba’t ibang mga pagdinig o imbestigasyon.

Diin ni Romualdez, bawat panukalang batas ay may direktang epekto sa buhay ng mga Pilipino, mula sa kaligtasan ng komunidad, hanggang sa karapatan at benepisyo ng ating mga senior citizen.

Facebook Comments