Mga nakaimbak na nakumpiskang droga, dapat sunugin na

Para matiyak na hindi mare-recycle ay pinapasunog na nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo “Ping” Lacson sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang daan-daang kilong ilegal na droga na nakumpiska at nasa pag-iingat pa nito.

Sa budget hearing ng Senado ay ipinaliwanag ni PDEA Director General Wilkins Villanueva na naghihintay pa sila ng mga utos ng korte para ito ay maipasunog, sabay diin na mahigpit nila itong binabantayan.

Pero ayon kina Drilon at Lacson, may circular na inilaabas si Court Administrator Midas Marquez na dapat iinspeksyunin ng hukom ang mga droga sa loob ng 72 oras matapos makumpiska pra maipasunog agad sa loob ng 24 oras.


Kaugnay nito ay pinapasumite rin nila kay Villanueva ang kumpletong imbentaryo ng mga nakumpiska at nakaimbak pang droga.

Binanggit din ni Villanueva na mula Enero hanggang nitong Hulyo ay umabot na sa 26,000 na sangkot sa ilegal drugs ang kanilang nadakip at 1,121 dito ang itinuturing na high value targets na kinabibilangan ng elected officials, uniformed personnel, kawani ng gobyerno, mga dayuhan at mga lider o miyembro ng drug group.

Para sa 2021 ay ₱2.73 billion ang ang panukalang pondo para sa PDEA at ₱344.5 million para sa Dangerous Drugs Board.

Napuna naman ni Lacson na maliit ang ₱2 billion budget para sa Philippine Anti-illegal Drugs Strategy (PADS).

Sa nabanggit na halaga, ang ₱1.2-billion ay ibinigay sa Department of Health (doh), ang ₱664 million ay sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan nakapaloob ang ₱546 million para sa Philippine National Police (PNP).

Facebook Comments