
Asahan pa ang mga programa ng pamahalaan na magsusulong sa karapatan, kapakanan at kabuhayan ng mga Pilipinong manggawa.
Ito ang tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasabay ng pagdiriwang ngayon ng Araw ng Paggawa.
Sa mensahe ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, kinilala ng kalihim ang kontribusyon ng mga manggagawa para sa pag-unlad ng bansa partikular ng ekonomiya.
Nararapat lamang aniyang pasalamatan ang mga manggagawang Pilipino na inilarawan bilang masipag, matiyaga, maaasahan, mapagkalinga, may malasakit at mapagkakatiwalaan.
Ibinida naman ng kalihim ang mga nakalatag na plano para sa labor sector sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsusulong sa pangmatagalan at marangal na trabaho para sa bawat Pilipino.
Inihalimbawa ni Laguesma ang Philippine Development Plan 2023 – 2028, Labor and Employment Plan 2023 – 2028, NTESDP 2023 – 2028 at mga batas tulad ng Trabaho Para sa Bayan Act, Digital Workforce Competitive Act at Enterprise Based Education and Training Act.
Ayon kay Laguesma, mananatiling kaagapay, sandigan at instrumento ang DOLE upang matupad ang pangarap ng bawat manggagawa na makamit ang isang matatag, maginhawa at panatag na buhay sa Bagong Pilipinas.









