Mga nakarekober na mula sa COVID-19, hinihikayat ng DOH na agad magpa-booster shot

Maaari nang makatanggap ng booster shot ang lahat ng fully vaccinated individuals na gumaling na matapos mahawaan ng COVID-19.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kapag nawala na ang sintomas at natapos na ang isolation period ay maaari na itong tumanggap kaagad ng booster shot.

Base sa pinakahuling Inter-Agency Task Force o IATF Resolution, ang sinumang tinamaan ng mild Coronavirus symptoms, mapa-healthcare worker man o hindi, kinakailangan itong mag-isolate ng pitong araw mula sa dating sampung araw.


Kapag moderate cases, sampung araw habang kapag severe infections naman ay 21 araw simula nang maramdaman ang sintomas.

Ani Vergeire, mahalaga ang agarang booster shot upang magkaroon muli ng proteksyon laban sa COVID-19 lalo na’t hindi nawawala ang banta ng reinfection.

Facebook Comments