Mga nakasalamuha ng lalaking nagpositibo sa COVID-19 UK variant, nakausap na ng DOH; Mga pasaherong hindi nakikipagtulungan sa pamahalaan, binalaan

Nakausap na ng Department of Health (DOH) ang karamihan sa mga close contact ng 29-anyos na lalaki na nagpositibo sa COVID-19 UK variant.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 146 na mula sa 159 pasahero ng Emirates Flight 332 ang kanilang nakausap.

Aniya, kasalukuyang nasa quarantine facility o naka-home quarantine ang mga nakausap na contact.


Dalawang sample ang kinuha sa mga ito: ang isa ay gagamitin para sa RT-PCR test habang ang isa naman ay isasailalim sa genome sequencing.

Kasabay nito, nagbabala naman ang DOH sa mga pasaherong hindi pa nakikipag-ugnayan sa tanggapan.

Giit ni Vergeire, may parusa sa mga tatangging makipagtulungan sa gobyerno sa panahon ng public health emergency lalo na kung may panganib na kumalat ang sakit.

Sa ilalim ng Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, ipinagbabawal ang hindi pakikipagtulungan ng isang indibidwal na mag-report o tumugon kaugnay sa public health concern at hindi pakikipag-ugnayan ng mismong taong may sakit gayundin ang intensyonal na pagbibigay ng maling impormasyon.

Maaaring patawan ang mga lalabag dito ng multa hanggang P20,000 hanggang P50,000 at pagkakakulong na hindi bababa sa isa hanggang anim na buwan.

Facebook Comments