Ipinapagamit ni dating Health Secretary at Iloilo Representative Janette Garin sa Department of Health (DOH) ang mga nakatabing “second dose” ng COVID-19 vaccines.
Apela ito ng kongresista sa gitna na rin ng lubhang pagtaas pa ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Batay sa rekomendasyon ni Garin, ang mga nakatabing ikalawang dose ng bakuna ay maaaring gamitin sa mga kabilang sa prayoridad o “additional recipients” na tinukoy ng DOH at Inter-Agency Task Force (IATF).
Ito ay habang naghihintay pa ng panibagong suplay ng mga bakuna ang gobyerno at ang paparating na bagong batch ng COVID-19 vaccines ay maaari naman aniyang magamit na ikalawang dose sa mga naunang nabakunahan.
Iginiit ng mambabatas na matatalo ang layunin ng pagbabakuna kung walang “urgency.”
Kailangan din aniyang mas maraming tao ang maprotektahan laban sa sakit dahil dumarami na rin ang kaso ng mga bagong variants ng COVID-19, o ang UK, South African at Brazil variants.