Naniniwala si Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante na mas maraming kaso ngayon ng COVID-19 ang naitatala dahil sa BA.5 Omicron subvariant.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Solante na kung titignan ang mga sample na isinasailalim sa sequencing ng Philippine Genome Center (PGC) ay karamihan dito ay BA.5 na kumakatawan sa tumataas ngayon na bilang ng mga kaso sa komunidad.
Kadalasan aniya na target nito ay ang mga indibidwal na hindi bakunado o kaya may bakuna, pero walang booster shot.
Dagdag pa ni Solante, mga vulnerable population din na bagama’t may booster shot ay madalas pa ring tamaan, pero dahil vulnerable gaya ng mga senior citizen ay mas lantad na hawaan ng nasabing Omicron subvariant.
Paliwanag ni Solante, ito ang mga indibidwal na gusto nilang maprotektahan dahil ang mga ito ang kadalasan na nagiging severe ang kaso at nao-ospital kahit bakunado na.
Kaugnay nito, iginiit ni Solante na kailangan matutukan ng pamahalaan kung paano magagamit ng husto ang bakuna para sa mga vulnerable population dahil ang mga ito aniya ang talagang mababa ang proteksyon at madaling tamaan ng BA.5 Omicron subvariant.