Pinaalalahanan at pinag-iingat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga nakatira lalo na sa baybayin at mababang lugar ng Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at nang buong ka-Bisayaan mula sa banta ng bagyong si Ulysses.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, ang Bagyong Ulysses ay inaasahang tatahakin ang katimugang Luzon sa pagitan ng Bicol at lalawigan ng Quezon.
Possible aniyang magdudulot ito ng malakas na pag-ulan at pabugso-bugsong hangin na maaaring maging sanhi ng pagbaha, storm surge o daluyong at pagguho ng lupa.
Dahil dito, sinabi ni Timbal na dapat iwasan ang paglalayag ng maliliit na bangka sa mga lugar na nakataas ang gale warning.
Payo niya rin na sumunod sa ipinatutupad na evacuation ng bawat barangay, munisipyo o siyudad.
Para naman sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, sinabi ni Timbal tiyaking ang mga abiso ay makararating sa mga maapektuhan ng bagyo.
Suhestyon pa ni Timbal gumamit ng nararapat na mga babala tulad ng bandilyo at pagbabahay-bahay para agad maipaalalam ang banta ng bagyo.
Pinatitiyak rin ng NDRRMC sa mga lokal na pamahalaan na dapat ay masusunod pa rin ang mga protocol para sa paglaban sa COVID-19.