Mga nakinabang sa bilyon-bilyong pisong ayuda sa panahon ng COVID-19 pandemic, kinukwestyon ng isang labor group

Kinukwestyon ng militant labor group na Kilusang Mayo Uno ang milyon-milyong napag-iwanan o hindi naaabutan ng ayuda sa harap ng kinakaharap na health crisis.

Ito’y sa kabila ng bilyon-bilyong pisong ipinalabas ni Pangulong Duterte upang ayudahan ang mga apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay KMU Chairperson Elmer Labog, kung susuriin ang ulat ni Pangulong Duterte sa Joint Congressional Oversight Committee, nasa ₱100 billion na pondo ang ipinadaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).


At mula sa 17.9 million na mahihirap na pamilya, lumilitaw na as of April 18, abot lamang sa apat na milyon ang nakinabang sa Social Amelioration Program (SAP).

Mas marami pa ang mas higit sanang natulungan ang dumadaing ngayon na nagugutom at hindi pa nabigyan ng tulong.

Pagdating sa ayuda ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ₱4 billion, abot lamang sa 237,653 formal sector workers, 235,949 informal sector workers at 3,245 OFWs ang nabenepisyuhan.

Naipadaan din sa Department of Agriculture (DA) ang ₱3 billion.

Gayunman, abot lamang sa 52,043 na magsasaka ang naayudahan.

₱4 billion pa dito ay sa anyo ng pautang sa mga magsasaka, mangingisda at mga agricultural enterprises.

Ani Labog, dapat siyasatin ang paggamit ng naturang mga pondo at balikan ang mga napag-iwanang benepisyaryo.

Facebook Comments