Hindi maitatama ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang mga problema sa Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Ito ang pahayag ni Integrated Bar of the Philippines President Domingo ‘Egon’ Cayosa matapos na mailabas ang IRR ng batas nitong weekend.
Ayon kay Cayosa, welcome at kinikilala nila ang hakbang ng Department of Justice (DOJ) na tugunan ang mga puna, takot at pagtutol ng ilan sa Anti-Terror Law.
Gayunman, mismong mga opisyal na rin ng DOJ ang nagsabing hindi nila maaaring baguhin ang mga probisyong nakasaad sa batas.
“Inamin mismo ng mga opisyal ng DOJ na gustuhin man nilang ayusin ang batas sa pamamagitan ng Implementing Rules and Regulations ay wala ho silang poder na gawin yan sapagkat ang IRR cannot rise above the law,” ani Cayosa.
Ikinababahala naman ni Cayosa ang posibilidad na maabuso ang batas matapos na ibigay sa Anti-Terrorism Council ang karapatan na maglabas ng warrant of arrest laban sa mga mapaparatangang terorista.
Paglilinaw ni Cayosa, tanging ang huwes lang ang maaaring mag-utos ng pag-aresto.
“Kasi binigay do’n sa Anti-Terrorism Council which is really the Executive branch kasi ‘yung member nito, walong cabinet members at ‘yung executive director ng Anti-Money Laundering Council. So, walang checks and balances, ito ‘yung isa sa pinangangambahan. Pangalawa, ‘pag mere suspicion pwede siyang damputin at ang nakakalungkot meron silang 14 to 24 days na pwedeng nakakulong ka at hindi ka pwedeng tumakbo sa korte,” ang pahayag ni Cayosa sa interview ng RMN Manila.