Igniit ni 1-Pacman Party-list Representative Mikee Romero sa mga ahensya at local government units (LGU) na ibalik ang mga multa na binayaran ng mga motorista na lumabag sa ilalim ng “No-Contact Apprehension Policy (NCAP).”
Sinabi ito ni Romero, makaraang maglabas ng TRO (temporary restraining order) ang Supreme Court laban sa pagpapatupad ng NCAP.
Kabilang sa tinukoy ni Romero na dapat magrefund ng multang siningil sa ilalim ng NCAP ay ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), at ang mga lokal na pamahalan ng Manila, Quezon, San Juan, Valenzuela, Parañaque, at Muntinlupa.
Sa tingin ni Romero, ay umaabot na sa milyun-milyong piso ang halagang nakolekta ng naturang government offices mula sa NCAP offenders.
Kumbinsido si Romero na mayroong pag-abuso sa pagpapatupad ng NCAP at labis-labis din ang multa na ipinapataw nito.
Bukod dito ay sinabi ni Romero na posibleng may paglabag din ang NCAP sa Data Privacy Act dahil sa paglalabas ng personal na impormasyon ng mga lumalabag dito tulad ng pangalan at lokasyon ng kanilang tirahan.