Mga nakuhang ebidensya ni Brice Hernandez, susuporta sa mga alegasyon nito tungkol sa maanomalyang ghost flood control projects

Naniniwala si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na maaaring sumuporta sa mga pahayag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez ang mga dokumento at iba pang bagay na nakuha nito matapos payagan na makalabas ng Senado para makakalap ng impormasyon sa ghost flood control projects.

Ayon kay Lacson, naka-sealed pa ang mga ebidensyang nakuha ni Hernandez at tinitiyak na dadaan ito sa tamang proseso para mapanatili ang “chain of custody”.

Sinabi ni Lacson na may mga “bagong developments” mula sa mga nakuhang dokumento at computer ni Hernandez at iginiit na mahalagang mapreserve ang chain of custody bago buksan ang mga ebidensya.

Inaasahan na maipiprisinta ni Hernandez sa susunod na pagdinig ang mga ebidensya ng alegasyon ng payola o pagtanggap umano ng kickback ng ilang mga senador at iba pang opisyal ng gobyerno.

Sakali namang may ebidensya ng pagtanggap ng komisyon ay agad na ipapadala ng Blue Ribbon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga ito para magamit sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments