Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 31 na mga armas ang sinira at sinunog ng Army Disposal Team sa mismong covered court ng 5th Infantry Division Headquarters sa Upi, Gamu, Isabela.
Ang 31 na armas ay mga isinuko, narekober at nakumpiska ng mga sundalo mula sa mga teroristang NPA sa mga nangyaring engkwentro at clearing operations sa Lambak ng Cagayan at Cordillera region.
Sa 31 firearms na dinispose sa 5ID, 21 rito ay kinabibilangan ng M16A1 at M653; walong (8) homemade shotguns, isang (1) M79 at isang (1) M203 grenade launchers.
Ayon kay BGen Rogelio D. Ulanday, Chairman ng Army Disposal Committee, ang mga nakuha, nakumpiska, isinuko, at nabawi ng kasundaluhan mula sa mga rebeldeng grupo ay dumaan sa tamang proseso at inspeksyon ng Army Support Unit upang maberipika kung ang mga nasabing kalibre ng armas ay hindi kabilang sa anumang kaso o walang nakabinbing kaso.
Bukod dito, mayroon pang 47 na iba’t-ibang kalibre ng armas ang ipinasakamay sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) para maproseso bago i-dispose ng Army Disposal Team.
Sinabi naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5ID na ang nasabing aktibidad ay resulta ng sama-samang pagsusumikap ng mga kasundaluhan at sibilyan para sa iisang layunin at mithiin na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa buong Lambak ng Cagayan at Cordillera.